Money Mondays with Chinkee Tan

Ano ang gagawin mo sa perang kinita mo? Learn all about the best ways to manage your money and finances with Chinkee Tan!

Share this post

Pag-isipan ng mabuti baga ka magpautang. 

Naranasan mo na bang magpautang? Hindi madaling desisyon ito, lalo na’t hindi sa lahat ng oras ay sigurado kang maibabalik sa oras ang perang pinahiram mo.

Kahit kasi ayaw mo, mahirap ding tumanggi sa taong umuutang sa ‘yo. Lalo na kung ang taong ito ay kapamilya, kamag-anak, o taong malapit sa iyo.

Mahalagang tandaan mo muna ang mga sumusunod bago ka magpautang ng pera:

Ang kakayahan mong magpautang

Financially capable ka ba para magpautang? Hindi ba masasakripisyo ang iyong mga panggastos kapag nagpautang ka?

Paano kapag natagalan ang pagbabayad sa ‘yo? Or worse, paano kapag hindi na niya ibabalik ang pera mo?

Ang pagpapautang ay isang desisyon na nakabase dapat sa estado ng iyong kaperahan. Huwag mong hayaang madaan ka ng sobrang emosyon bago mo isipin ang sarili mong financial status.

Ang kakayahan ng umuutang na magbayad ng utang

Sabi nila, tumatagal at tumitibay ang anumang relasyon kapag may tiwala kayo sa isa’t isa. Pagdating naman sa pagpapautang, anumang uri ng relasyon meron ka sa taong umuutang sa ‘yo, mahalagang i-assess mo munang mabuti kung mapagkakatiwalaan mo siya financially.

May trabaho ba siya o kahit anong source of income na mapagkukuhaan ng pambayad utang sa iyo? May masamang history ba siya pagdating sa utang? Okay ba ang communication mo sa taong yun?

Tandaan na hindi mo naman minamata o jina-judge ang tao kapag ginawa mo ito. Walang masama kung manigurado at tiyaking alam mo ang ugali pagdating sa pera ng iyong pauutangin. Sa ganitong paraan kasi ay makagagawa ka pa ng mas matalinong desisyon, baka naman kasi may iba pang paraan para makatulong ka sa tao bukod sa pagpapahiram ng pera.

Pag-usapan ang iba pang paraan

Ang utang ay isang financial problem. Kaya kapag nagpautang ka, hindi ibig sabihin nun ay natutulungan mo talaga ang taong umuutang sa problema niya. Posible na makadagdag pa ito sa bigat ng problema niya sa pera.

Kapag hinayaan mong maging sagot sa problema ang pera, hinahayaan mo rin na isipin ng iyong kapwa na ang sagot lamang sa problema niya ay ang pagkakaroon ng utang. Hinahayaan mong maging dependent siya sa utang.

Kung ang kaibigan mo ay umuutang sa ‘yo dahil wala na o mawawalan na siya ng trabaho, maaaring mas kailangan niyang makahanap ng bagong trabaho o pagkakakitaan. Tulungan mo siyang makahanap ng trabaho o raket. Usong uso ngayon ang mga online jobs, kahit sino maaaring magkaroon ng marangal na trabaho online basta matiyaga at pursigido sa paghahanap.

Kung ang kaibigan mo naman ay madalas na nanghihiram sa ‘yo ng pera dahil palagi siyang kinakapos sa kanyang badyet, ang kailangan niya ay maayos na sistema sa pagbabadyet, hindi utang. Maaari mo syang tulungan mapabuti ang kanyang kaalaman sa tamang paghandle ng pera, kaysa paulit-ulit na pautangin siya.

Magkasundo kayo nang maayos

Kung wala ka nang choice kung hindi pautangin siya, at least get it in writing. Pag-usapan ninyong mabuti ang terms and conditions sa pagbabayad.

Kailangan malaman at maintindihan ng taong nangungutang na kailangan maibalik sa ‘yo on time ang pera mo. Kailangang maintindihan niya na kakailanganin mo rin ang perang hiniram niya.

Kung ang nangungutang sa ‘yo ay kapamilya, kamag-anak, o ka-close mo, asahan mong walang interes o tubo ang ibabayad niya sa ‘yo. Ang malala, hindi mo rin sigurado kung kailan ka niya babayaran dahil alam niyang hindi ka magiging mahigpit. Ang resulta? Mai-stress ka. Paulit-ulit mong tatanungin ang sarili mo: Kailan niya kaya ako babayaran? Babayaran pa kaya niya talaga ako?

Mahalagang matukoy at mapagkasunduan n’yo ang deadline sa pagbabayad, in written form. Sa paraan na ito ay maisasalba ninyong dalawa ang inyong relasyon, at maiiwas mo rin ang sarili mo sa stress.

Paghandaan ang worst case scenario

Ang pagpapautang sa kahit na sino ay palaging may risk, kahit gaano mo pa pinagkakatiwalaan ang taong iyon. Mahalagang alam mo kung ano ang ie-expect mo sa pagpapautang, lalo na kapag dumating na ang takdang panahon ng kanyang pagbabayad.

Maaaring bayaran niya, pero matatagalan. At maaari rin na hindi na niya talaga bayaran. Kaya maaari ring mas tumatag o tuluyang mabuwag ang inyong pinagsamahan.

Kaya kailangan mong pag-isipan mabuti ang desisyon mo, lalo na kung involved ang pera.

Hindi naman porke maingat ka sa pagpapautang ay madamot ka na. Well, maaari ngang ma-disappoint sa ‘yo ang taong tinanggihan mong pautangin, lalo na kung malapit siya sa ‘yo. Pero kung maganda talaga ang intensyon sa pagtulong, alam mong hindi pera ang makakapagpakita nito.

Pagdating sa problema sa pera ng iyong kapwa, palaging ang pinakamabuting solusyon ay ang pagtulong sa kanya ng tamang pagbabadyet, pag-iipon, at paghawak ng pera.

Planuhin na at simulan ang iyong buhay IPONARYO! Ang PISO PLANNER + 4 FREE books (Diary of a Pulubi, My Badyet Diary, My Ipon Diary, at My Utang-Free Diary) ay makatutulong sa ‘yo maging mayaman at utang-free! Bisitahin ang www.chinkship.com para sa iba pang detalye.

THINK. REFLECT. APPLY.

  1. Naranasan mo na bang magpautang?
  2. Papautangin mo ba ulit ang taong nangutang sa ‘yo dati?
  3. Bukod sa pagpapautang, paano ka pa makatutulong sa isang taong may problema sa pera?
Chinkee Tan

An actor turned businessman, Chinkee Tan once became part of the 80s group Hawi Boys of actor Randy Santiago. In 1994, he decided to quit showbiz and enter into the world of business. He got involved in the industries of Sales, Publishing and Consultancy. Now, Chinkee is known as the anchor of his Sunday radio program on 92.3 NewsFM, Chink Positive, an author of 10 best selling books, a social media influencer, a wealth coach, and one of the country’s most sought after motivational speakers.