Finance Fridays with Capt. Christopher Cervantes

May financial goals ba kayo? Basahin ang mga payo ni Capt. Cervantes kung paano makamit ang mga pangarap mo, kabaro!

Share this post

Natitiyak ko na pangarap halos lahat ng marino ang maging multi-millionaire o ang yumaman.  Ngunit sa kasamaang palad, maraming mga marino ang tumanda na lamang sa pagbabarko, pero parang di man lang nagbago ang kalagayan sa buhay.  Ano nga ba ang mabisang paraan upang tuluyang maging makabuluhan ang ating paghihirap sa pagbabarko?    

Kung gusto nating maging maayos ang ating kalagayang pang pinansyal, ang una nating dapat gawin ay ang alamin kung sinu-sino na nga ba ang nakaranas nito sa ating mga kabaro.  Dahil ang pinakamabisang paraan upang matutunan ang isang bagay ay walang iba kundi ang mag-aral sa mga taong totoong may kaalaman at karanasan.    

Ang problema, mahirap makilala kung sino ba talaga ang totoong mayaman sa nagkukunwaring mayaman sa panahon ngayon.  Sa dami ng naglipanang mga magagandang posts na makikita sa mga social media account, parang ang lahat ng kakilala natin ay mukhang sobrang yaman.  Hanggang sa makilala mo sila ng lubusan, doon mo lang maiintindihan na mas matindi pa pala ang kanilang problemang pang financial kumpara sa atin.  Ngunit ang mga totoong mga mayayaman ay ang mga taong simpleng-simple lang ang pamumuhay.    

Baka hindi mo nga alam na isa sa mga kasalubong o kapitbahay mo pala ay isang totoong mayaman.  Dahil mayroong mga milyonaryong mas importante ang pagkakaroon ng pera kaysa mag mukhang may pera.  May mga kilala akong nangungupahan at simple ang sasakyan, pero kung malalaman mo  lang kung gaano kalaki ang ipon at investment, ay malulula ka.  Habang may mga taong, ang ganda ng bahay at ang gara ng sasakyan ngunit nagtatago sa pinagkakautangan.    

Kung magpapaturo ka sa mga totoong mayayaman at matagumpay sa buhay pang financial, paano mo nga ba sila mahahanap?  

Una, nabubuhay sila sa kung ano lang sa tingin nilang importanteng pangangailangan nila.  Mas higit na mahalaga para sa kanila kung magkano ang kanilang naiipon at napapalagong pera kaysa sumunod sa kung ano ang uso.  Bihira sa kanila ang mahilig mamili ng mga luhong bagay, dahil alam nila kung paano ang hirap para kumita ng pera at alam nila kung ano ang potential ng kada piso pag dating ng araw kung ito ay mapalago.  At dahil dito mahirap silang makilala bilang isang mayaman.  

Pangalawa, alam nila kung paano gamitin ang pera upang manganak ito ng panibagong pera.  Marami sa mga taong ito ay gumugugol ng oras sa financial planning na ang pangunahing layunin ay alamin kung saan mas lalago at mapoprotektahan ang kanilang pera.  Kung gusto mong gumastos na parang katulad nila, ang una mong dapat alamin ay kung ano ang mga bagong investment opportunities mayroon sa ngayon.  Dahil sa kanila, yun ang kanilang pangunahing gastusin.  Kung gusto mong maging katulad nila, kailangan mong tanggapin sa bokabularyo mo na ang investing ay spending.  

Pangatlo, mas maraming oras ang kanilang inilalaan sa pag-gawa at pagtatrabaho kaysa sa pag-gastos.  Dahil hindi basta-basta ang maging multi-millionaire sa pagtatrabaho. Karamihan sa kanila ay mga entrepreneurs o self-employed, at ang malaking pinupuntahan ng kanilang pera ay ang kanilang negosyo din mismo.  Karamihan ng mga nakatigil ng maaga sa pagbabarko ay mga katulad nila.  Na hindi nila tinitignan ang pagbabarko bilang pang habang buhay na kita, kundi paraan upang kumita ng pang puhunan.  Ang mga taong ito ay mahilig din maglaan ng pera para sa kanilang pag-aaral.  Sila ang mga suki sa mga seminar at mga libro na may kinalaman sa personal development.  

At pang huli, gumagawa sila ng budget plan at sinusunod ito ng may ibayong disiplina.  Sa katanuyan, isa ito sa pangunahing dahilan kung bakit sila nagsiyaman.  Importante sa kanila kung mag kano ang kanilang ginagastos kada araw o kada buwan.  Alam nila kung saan napupunta ang kanilang perang mga pinaghirapan, at tinitiyak nilang hanggat maaari ay gumagastos lamang sila sa mga pangunahing pangangailangan at hindi sa mga luho.  

Sa mga marino, kung gusto nating makatigil ng maaga sa pagbabarko at maging makabuluhan ang panahong iniiwan natin ang ating pamilya, dapat magkaroon tayo ng plano kung kailan ba tayo tuluyang magiging malaya.  Ang pagkakaroon ng plano at gabay ay napakahalaga.  Tularan natin ang mga gawi na mga nabanggit ko sa itaas ng mga totoong mga milyonaryo at isang araw magugulat ka na lamang, hindi mo na pinoproblema kung may line-up ka ba o wala.

Christopher Cervantes
CIS, CSR, RFP

Christopher G. Cervantes, is a registered financial planner, a certified investment solicitor, and Certified Securities Representative.  He is also the author of the book Financial Planning for the Fast Changing World and The Seed Money.  Aside from being a financial planner he was also an active seafarer for 17 years with a position of Chief Officer on board oil and chemical tankers.   It is his mission to help his fellow seafarers and OFWs to attain financial freedom through sound financial education.  For any questions email him at: [email protected]   You can also find him on www.facebook.com/FinancialPlanningfortheFastChangingWorld and www.cardinalbuoy.com