Finance Fridays with Capt. Christopher Cervantes

May financial goals ba kayo? Basahin ang mga payo ni Capt. Cervantes kung paano makamit ang mga pangarap mo, kabaro!

Share this post

Photo by Gregg Yan for Seafarer Asia

“Pre, punta ako sa inyo pagbaba natin ha… magkita-kita tayo.”

“Maganda siguro magsimula tayo ng negosyo, magsosyo tayo!”

“Mag outing tayo, kasama mga pamilya natin.”

Yan ang mga kadalasang magagandang usapang nabubuo sa barko.  Habang nagkakasiyahan at tumatagay, lumalalim din ang usapan.  Maraming planong napag-uusapan habang magkasama sa duty.  Maraming planong nabubuo habang magkasama sa isang buong kontrata.  Ngunit pagdating sa Pilipinas, matapos makauwi sa kanya-kanyang pamilya; ang lahat ng usapang ‘yan ay sabay-sabay na ring maglalaho.  Iyan ang tinatawag nating, “usapang barko.”  Sa madaling sabi, usapang walang commitment at walang obligasyon. 

Kung mapapansin natin, marami sanang mga pangarap at planong magandang nabubuo habang nasa barko.  Katulad ng karamihan, noong ako ay nagbabarko pa, marami akong pangrap na naiguhit at naisulat habang naglalayag.  Pero, katulad din ng karamihan, marami dito ay naging “drawing” na lamang.  Bakit nga ba hindi nangyayari ang mga binubuo nating plano, hindi lamang habang nasa barko, maging sa kabuuan ng ating buhay, parang ganun din ang nangyayari?

Kung gusto nating mangyari ang ating mga pangarap, isang bagay ang dapat nating matutunan at gawing kakaiba mula ngayon.  Ang bagay na ito ay natutunan ko habang ako ay nasa barko.  Isang araw naisip ko, paano ba nagiging matagumpay ang mga shipowners, at bakit hindi yumayaman ang mga seafarers, sa kabila ng tayo ang nagpapayaman sa mga shipowners?  Habang naka duty sa bridge dumating ang kasagutan sa akin.

Kung gagawin lang pala namin sa buhay naming ang mga ginagawa namin sa barko, maari din kaming maging matagupay.  Isa sa mga lessons na malaking natutunan ko sa pagbabarko ay ang lesson ng passage planning. 

Nakakarating ang mga barko sa kanilang patutunguhan kahit malayo ang mga ito, na kahit ang dinadaanan nya ay puro tubig lang ang nakikita.  Pero alam ng mga tripulante nito na talagang darating sila at di maliligaw.  Paano nangyayari iyon? Simple lang, dahil mayroon silang sinusundan na plano at ang tawag doon ay passage plan. 

Kung gagawin lang pala natin sa buhay natin ang tamang pagpapaplano—na isusulat, kalkulado, at talagang susundan—siguradong aarive tayo sa destinasyong tayo mismo ang nagtakda. 

Kaya kung gusto mong matigil na ang usapang barko sa iyong mga plano at pangarap, baka napapanahon ng isulat, kalkulahin, at gawin ang iyong mga pangarap.  Bilang isang Registered Financial Planner, yan ang ginagawa ko sa mga taong nasa coaching program.   Ang planong ito ay tinatawag naming financial plan, at ang idea na ito ay nahango ko sa kung paano ako gumagawa ng passage plan noon.  Ang financial plan na ginagawa ko na nasa coaching program ko ay minsan umaabot ng mga 20 pages, depende sa kung ano ang mga pangarap nila.  Katulad ng isang passage plan, ang lawak ng detalye nya ay depende sa kung gaano kasalimuot at layo ang byaheng gagawin.

Ang isang financial plan ay dapat base sa mga goals na iyong gustong mangyari.  Ang mga goals ay dapat SMARTER, na ang ibig sabihin ay Specific, Measurable, Attainable, Risky, Time-bound, Exciting, and Rewarding.  Hindi lang ito simpleng pangarap lang or simpleng hiling.  Ang goal ay dapat mayroon kang layunin na mangyari ito, ang tamang pagpaplano ang isang paraan upang siguraduhing magaganap ang lahat.

Ngayon 2020, napapanahon ng gawin ang mga malalaking pagbabago sa buhay natin.  Ang 2020 ay palaging naikakabit sa vision, dahil ito ay nangangahulugan ng clear vision.  Kaya kung gusto mong magkaroon ng kalinawan sa iyong mga pangarap, napapanahon ng simulan mo na itong isulat, iguhit, kalkulahin at higit sa lahat simulang gawan ng aksyon.

Kung gagawa ka ng financial plan at susundin ito ng ibayong husay, isang araw darating ka sa destinasyon na kung saan ikaw ang nagtakda.  Kung mahalaga sa’yo ang mga pangarap mo, baka ito na ang tamang panahon upang itigil na ang “usapang barko.”

Christopher Cervantes
CIS, CSR, RFP

Christopher G. Cervantes, is a registered financial planner, a certified investment solicitor, and Certified Securities Representative.  He is also the author of the book Financial Planning for the Fast Changing World and The Seed Money.  Aside from being a financial planner he was also an active seafarer for 17 years with a position of Chief Officer on board oil and chemical tankers.   It is his mission to help his fellow seafarers and OFWs to attain financial freedom through sound financial education.  For any questions email him at: [email protected]   You can also find him on www.facebook.com/FinancialPlanningfortheFastChangingWorld and www.cardinalbuoy.com