Finance Fridays with Capt. Christopher Cervantes

May financial goals ba kayo? Basahin ang mga payo ni Capt. Cervantes kung paano makamit ang mga pangarap mo, kabaro!

Share this post

Photo by Precondo CA on Unsplash

Maraming impormasyong matatagpuan sa ngayon lalo na sa internet ang naglipana, isa sa mga ito ay mga posts na may kinalaman sa pag-iinvest.  Dahil sa dami ng mga kaalamang ito, maging ang mga marinong dating palaging nahuhuli sa balita ay nagkakaroon na ng mga kaalaman tungkol sa usapang pag-iinvest.  Ngunit marami ang nagaalinlangan dahil ang tanong nila sa sarili ay “nababagay ba ito sa akin, gayong nagbabarko ako?”

Sa maraming seminars na ginagawa ko para sa mga seafarers na may kinalaman sa Financial Planning and Investing, ang palagi nilang tanong ay paano nila ito gagawing gayong umaalis sila.  Ang sagot ko sa katanungang ito ay: “gusto mo bang gawin?” 

Ang pag-iinvest ay hindi usapin ng kung pwede ba, bagkus usapin ito ng kung gagawin mo nga ba.  Sa katunayan, lahat naman talaga ng investment ay pwede di lamang sa mga marino kundi sa kung maging sino man.  Pero ang laging nagiging dahilan sa kung bakit hindi nagiging matagumpay ay dahil hindi ginagawa ang pag-iinvest; hindi nagiging bahagi ng kanilang gawi ang pag-iimpok.

Ano ba ang nagiging malaking dahilan kung bakit natitigilan ang karamihan sa atin?  Sa kabila ng maraming libro at seminars na inaral  bakit magpahanggang ngayon ay marami sa atin ang wala pa rin nasisimulan? Mahigit isang dekada ko ng ginagawa ang financial coaching program, isang bagay palagi ang nakikita kong nagiging hadlang—TAKOT!

Normal lang naman na may takot tayo.  Sa katunayan, ang takot ay isang pangunahing pananggalang natin sa ano mang panganib.  Isipin mo na lang kung wala kang takot, malamang, maaga kang namatay dahil sa kung anu-anong mapanganib na bagay ang maaari mong magawa.  Kailan nagiging masama ang takot?  Kapag ito na ang nagpapatakbo ng buhay mo, kapag ito na ang nagiging basehan mo ng iyong mga desisyon sa buhay, lalo na sa mga importanteng isyu mo sa buhay.   

Noong panahong ako ay nagbabarko pa, alam ko na kailangan kong mag invest, kaya inaral ko ang lahat ng mga bagay na may kinalaman dito.  Ngunit tulad ng karamihang walang alam sa bagay na ito, dumanas din ako ng matinding takot. 

“Para sa akin ba ang pag-iinvest?”   

“Di’ ba pang mayaman lang ito?”   

Ilan lang iyan sa aking mga katanungan.  Pero alam ko sa sarili ko na kung wala akong bagong gagawin sa buhay, malamang hindi rin magbabago ang aking buhay. 

Nagdesisyon akong magsimulang mag-invest, at para mabawasan ang takot at panganib, nag simula ako sa maliit na halaga.  Nagbukas ako ng mga accounts para sa mutual fund, stock market, at kumuha din ako ng sarili kong insurance.  Maging para sa aking asawa, nagsimula din ako para sa kanya.  Maging para sa pag-aaral ng anak ko, nag bukas ako ng investment account para sa kanya.  Pero ang lahat ng ito ay nagsimula sa maliit na halaga, na ang inisip ko ay kung mawala man ang mga ito, okay lang dahil maliit lang naman. 

Unti-unti dinadagdagan ko ang mga investment na ito sa halagang kaya ko lamang.  Pero, habang ginagawa ko ang lahat ng ito, patuloy ang aking pag-aaral sa mga bagay na may kinalaman sa pag-iiinvest.  Hanggang isang araw patuloy na lumawak ang aking kaalaman, at habang lumalawak ang aking kaalaman patuloy kong nilalakihan ang aking investment. 

Lagi natin tandaan, ang mga oportunidad na matatagpuan at matatamasa natin ay palaging nakasalalay sa kung ano ang ating kaalaman.  Kaya kung gusto mong lumawak ang oportunidad para sayo, ang una mong dapat gawin ay lawakan ang iyong kaalaman.  Sa mga nagsisimula pa lang mag-invest, isang bagay ang dapat nating tandaan, mas malaki dapat ang inilalaan natin na oras at pera para sa pag-iinvest sa ating personal growth habang nagsisimula tayo.  Hanggang isang araw darating ka sa panahong mas mataas na ang inyong kumpyansa, doon lang dapat tayo mag-tataas ng budget para sa ating mga investment. 

Isang araw haharap ka sa salamin at sasabihin mo sa sarili mo na buti na lamang at nagsimula ako sa kabila ng aking mga takot.  Tandaan, lahat ng bagay ay nangyari dahil may isang taong nag desisyon, kaya mag desisyon ka para sa iyong tagumpay.

Christopher Cervantes
CIS, CSR, RFP

Christopher Cervantes was a seafarer for 17 years with shipboard experience from various shipping companies such as: Magsaysay Maritime Corp., Teekay Philippines, Bridge Marine Corp. And OSM Maritime Service.  After retiring from the ship at age 39, he became a financial advocate and is a Registered Financial Planner (RFP), Certified Securities Representative (CSR), and Certified Investment Solicitor (CIS). He founded Cardinal Buoy Financials that guides OFWs, seafarers, businessmen, and ordinary people in achieving their various financial goals.

He is also the author of the books Financial Planning for the Fast Changing World; The Seed Money; and Life Begins. He also writes for The Manila Times, Business Mirror, and Money Sense on topics about personal finance.  He appears on shows such as: ANC on The Money, Oplan Asenso of Radyo Singko, Iba ‘Yong Pinoy of Radyo Singko.  And also, a radio host of Real Finance People at DZEC.