Finance Fridays with Capt. Christopher Cervantes

May financial goals ba kayo? Basahin ang mga payo ni Capt. Cervantes kung paano makamit ang mga pangarap mo, kabaro!

Share this post

Photo by Taisiia Stupak on Unsplash

Ang mga costumes at dekorasyon ng Halloween ay nailigpit na sa stock room at ang mga palamuting pang Pasko ay naglipana na sa kapaligiran.  Maging sa barko, sa mga ganitong pagkakataon nagsisimula ng magpatugtog ng mga Christmas songs. Ngunit, sa pagpasok ng buwan ng Disyembre, nagsisimula na rin nating maramdaman ang sakit sa bulsa ng pag-gasta para sa kapaskuhan.  Para sa ilan, hindi sapat ang 13th-month pay o year-end bonus upang mabili ang lahat ng mga items na makikita sa mall.  Maging ang mga nasa barko ngayon ay nag-iisip na kung magkano bang special allotment ang kanilang ipapadala upang magamit ng kanilang pamilya sa malaking handaang mangyayari.  

Sa panahong ito, maraming mga allotees na ang mayat-maya ang tingin sa kanilang mga bank accounts upang alamin kung pumasok na nga ba ang padala.  Ang labis-labis na paggastos ay nagaganap tuwing kapaskuhan.   Sa katunayan, may mga shipping companies ang pumapayag na  i-advance ang allotment para sa January at ibigay na rin ito sa buwan ng Disyembre.   Maaring masaya ang dulot ng kapaskuhan, ngunit pagdating ng January, ito ay nagiging buwan ng pagkumpuni ng pinsala para sa maraming perang nasayang sa huling ilang buwan ng nagdaang taon. 

Kung ikaw ay tulad ng maraming nag-iisip ng mga paraan kung paano humawak ng pera—wise money management, ika nga—sa panahon ng paggastos, narito ang ilan sa mga bagay na maaari mong gawin upang tuluyang baguhin ang kultura na hindi na nagdaragdag ng halaga sa iyong buhay. Huwag kang mag-alala, hindi natin kailangang puksain ang ating pilosopikong pananaw tungkol sa pasko, ngunit maaari tayong maging mas matalino sa mga panahong ito. Bago ang Disyembre, may mga bagay kang magagawa upang maghanda sa matalinong paraan para sa malaking handaang magaganap. Maaaring hindi mo nais na isipin pa ang tungkol dito, ngunit ang kaunting paunang pagpaplano ay makakatulong sa iyo upang makatipid.  Bilang isang kapamilya ng isang OFW or marino, malaki ang maiaambag nating tulong sa pagkamit ng pangarap ng buong pamilya.  Hindi natin kailangang asahan lang ang kapamilya nating nasa barko upang ihango tayo sa kahirapan.  Maging sa simpleng paraan sa panahong ito, marami tayong maaaring gawin upang hindi lubusang masayang ang pinaghirapan ng kamaganak nating nasa barko na nagpapakasakit sa panahong ito, habang tayo ay nagsasaya dito sa Pilipinas.

Christmas shopping

Mag-download ng isang Note App sa iyong mobile phone. Para sa akin, gusto ko ang Evernote. Kung sanay ka sa OneNote, pwede rin sya.  Gamit ang app, ilista ang lahat ng mga tao na talagang nais mong bigyan ng regalo. At  sa listahan na iyon, ilista kung magkano ang budget na nais mong ilaan sa bawat tao. Pagkatapos sa halip na pumunta sa mall para sa window shopping, tumingin sa isang online store para sa mga items na tumutugma sa iyong ideya ng regalo, pagkatapos ay ihambing ang presyo mula sa iba’t ibang mga suppliers. Hindi ka lang makakatipid ng pera kundi pati na rin ng iyong mahalagang oras.  

DIY Christmas decorations at regalo

Sa aming pamilya, bawat taon, sinisikap naming gumawa ng mga homemade na regalo, lalo na para sa mga kaibigan at kapamilya namin na alam naming pahahalagahan ito. Sa halip na bumili ng mga grocery pack, maaari mong isabay ito sa iyong listahan ng grocery at mag-pack ng iyong sariling grocery pack na maaari mong i-personalize ang package. Tandaan, ang mga personalized na mga regalo ay mas mura at mas pinahahalagahan ngunit nangangailangan ito ng advance na paghahanda. Sa pagpasok ng Disyembre, mas malaki ang matitipid mo kung magsisimula kang maghanda ng mas maaga. Maaari kang gumawa ng iyong sariling mga pang dekorasyon at maaari mong hingin ang tulong ng buong pamilya.  Para sa aming pamilya, isa itong paraan upang makapag bonding.  Maaari kang maglaan ng isang linggo para sa aktibidad na ito. Hindi lamang ito magdudulot ng katipiran sa iyong bulsa kundi pati na rin ang pagbuo ng pagkamalikhain ng iyong mga anak. Maaaring din itong maging bahagi ng kultura ng inyong pamilya.  Recycling, upcycling, repurposing—usong-uso ito ngayon. Tumingin ka lang sa paligid ng iyong bahay at sigurado maraming mga bagay na iniisip mo ng itapon ngunit maaari pa ring magamit bilang mga materyales para sa iyong dekorasyon. Maaari kang gumamit ng isang lumang tela, karton, kahon, garapon, atbp.

Budget, budget, budget

Importante rin na bago ka pa magsimulang gumastos, makipag usap ka sa kaanak mo na nasa barko ngayon.  Maari mo syang hingan ng opinion kung magkano nga ang tamang maging budget nyo ngayong Kapaskuhan.  Ito ay magpapakita ng respeto at mag aalis din naman ng guilt sayo bilang isang allotee.  Gamit ang iyong Note app, palagiang ilista kung magkano na nga ba nagagastos mo para sa kapaskuhang ito. Napakadali na lumampas sa iyong budget gamit ang iyong credit card o debit card, kaya sa halip, gumamit ng cash tuwing namimili. Ayon sa pagsusuri, 57 porsyento lamang ng mga taong nagtatakda ng isang Christmas budget ang talagang sumusunod dito. Ang pagbabayad ng cash ay magpapaalala sa iyo ng sakit pagkatapos ng pasko. Ang masakit na katotohanan ay 80 porsyento ng mga taong nasobrahan sa gastos ng Kapaskuhan ay lumalampas ng Abril ng papasok taon bago tuluyang makabayad sa kanilang mga credit cards. Kung gusto mong maging mas makabuluhan ang iyong selebrasyon, maaari kang kumonsulta sa isang Registered Financial Planner upang tulungan kang mag plano para sa iyong badyet. Makakatulong ito sa iyo na maging mas makatotohanan sa iyong perpektong ideya ng pagdiriwang ng kapaskuhan. Alam nating lahat na mahirap iwasan ang katotohanan na ang Pasko ay magastos at mabilis lumampas. Lahat tayo ay nangangarap ng kalayaan sa pananalapi.   Ginagawa natin ang lahat upang makatipid at makapag-invest sa buong taon.  Ngunit pagdating ng Disyembre, karamihan sa atin ay mawawalan ng direksyon sa pera.  Tandaan, habang nagsasaya tayo dito sa Pilipinas, may kaanak tayong nagtitiis upang tustusan ang kasiyahang ito.  Ilang Pasko pa ang gusto mong maging watak-watak kayo bilang isang pamilya?  Ang sagot dyan ay depende sa kung paano nyo pinahahalagahan ang perang inyong natatanggap bilang isang allotee.  Ang pasko ay simbulo ng isang pamilyang sama-sama, at maaari itong maging makatotohanan, kung may tamang plano tayo sa buhay bilang isang pamilya.

Christopher Cervantes
CIS, CSR, RFP

Christopher Cervantes was a seafarer for 17 years with shipboard experience from various shipping companies such as: Magsaysay Maritime Corp., Teekay Philippines, Bridge Marine Corp. And OSM Maritime Service.  After retiring from the ship at age 39, he became a financial advocate and is a Registered Financial Planner (RFP), Certified Securities Representative (CSR), and Certified Investment Solicitor (CIS). He founded Cardinal Buoy Financials that guides OFWs, seafarers, businessmen, and ordinary people in achieving their various financial goals.

He is also the author of the books Financial Planning for the Fast Changing World; The Seed Money; and Life Begins. He also writes for The Manila Times, Business Mirror, and Money Sense on topics about personal finance.  He appears on shows such as: ANC on The Money, Oplan Asenso of Radyo Singko, Iba ‘Yong Pinoy of Radyo Singko.  And also, a radio host of Real Finance People at DZEC.