Finance Fridays with Capt. Christopher Cervantes

May financial goals ba kayo? Basahin ang mga payo ni Capt. Cervantes kung paano makamit ang mga pangarap mo, kabaro!

Share this post

Alam naman natin kung anong hirap, pagod, puyat, at pagtitiis natin sa barko.  Lalo na sa mga marinong sumasakay sa cargo vessels na nagdadala ng mga delikadong kargamento.  Alam naman nating mapanganib sya sa buhay at kalusugan natin, pero tinitiis pa rin natin ito.   Ang malaking dahilan nyan ay dahil karamihan sa mga marino ay hindi na bago sa paghihirap.  Namulat sila sa buhay ng kahirapan, pinalaki sila sa kahirapan, ang ginagalawan nila at hinihinga nila ay hangin ng kahirapan.  Kaya naman, maraming pumupuri sa mga marinong Pilipino sa kung gaano tayo kasipag at maaasahan sa barko.  At masasabi natin na higit sa talino, sipag at tyaga ang talagang katangian ng tagumpay ng marinong Pilipino.

Dahil sa katangiang nasabi ko, maraming mga seafarers ang umunlad at gumanda ang buhay.  Pero, sa kabila ng pag-unlad ng buhay ng mga marino, kasama na ng kanilang pamilya, masasabi ba nating mas masaya sila ngayon sa buhay kaysa noong bago sila nagbarko?  Sa kasamaang palad—hindi!   Ito ay sa kabila ng halos sila na ang may pinaka magandang bahay sa barangay nila, pero di pa rin sila masaya.

Ang problema ay hindi dahil kapos tayo sa buhay.  Sa katunayan, karamihan sa mga nabibili natin at tinatamasa ay malayo sa iniisip natin noon na mangyayari sa buhay natin sa ngayon.  Pero ito na, nararanasan mo na ang mga bagay na inaakala nating imposible noong araw.  Natatandaan ko, pangarap ko noong araw ang makasakay ng eroplano.  Kaya naman noong unang sampa ko bilang Cadet ay tuwang-tuwa ako ng makasakay ako ng eroplano, tapos ay international flight pa agad.  Una kong naranasan na matulog sa mamahaling hotel dahil sa pagbabarko, at libre iyon.  At sigurado ako, marami rin kayong dinanas na magagandang bagay ng dahil sa profession bilang seaman.  Pero bakit may mga pagkakataong sumasagi sa isip natin na parang mas masaya tayo noong panahong nasa kahirapan pa tayo?

Kung hindi mo naiintindihan kung ano nga ba ang talagang purpose mo sa buhay, kung ano nga ba talaga ang magpapasaya sayo higit sa pera, at kung ano nga ba ang tingin mo sa pera; kahit ano pa ang kitain mo, di ka pa rin magiging masaya. 

Kaya palagi kong sinasabi na importante ang financial plan.  At tuwing may nagpapa-coach sa akin, bago ko tanungin kung ano ang gusto nilang maging investment, ang unang tanong dapat ay ano ang iyong malalim na “WHY?”  Ano ang malalim mong dahilan sa buhay, kung bakit ka nagpapakahirap.  At ang pagyaman ay dapat magsimula sa “anong dahilan.” 

Kadalasan, pag tinanong mo ang mga OFWs kung bakit sila umaalis, isa sa apat na bagay na ito ang kanilang dahilan: makapagpaaral ng anak, makapagpatayo ng bahay, makapagsimula ng negosyo, at makaipon para sa retirement.  Pero sa oras na umalis at nangibang bansa na, ang una nilang gagawin ay bibili ng balikbayan boxes at pupunuin ito kada buwan.  At pag-uwi nila sa Pilipinas, ipamimigay ito.  Tanungnin mo kung anong ginawa nila sa apat nilang pangarap, magugulat sila na wala palang nasimulan, at sasabihin “di bale pag-balik ko na lang ulit.”  Hanggang sa isang araw magugulat sila, nag 65 na taong gulang na sila na kailangan ng tumigil. 

Oo, maaaring malaki ang kinikita mo sa ngayon bilang marino, pero lagi nating iisipin na hindi ito pang habangbuhay.  Isang araw titigil ang lahat, pero ang tanong kung titigil ka ngayon, ilang taon kang mabubuhay na hindi na nagbabarko, pero kaya mo pa ring tustusan ang iyong pang-araw-araw na pangangailangan?

Kaya naman, ang financial planning ay hinahalintulad ko sa passage planning.  Una dapat alam mo kung saan ang gusto mong tunguhin.  Pangalawa dapat alam mo kung anong bilis ang kaya mo, or anong kapasidad mong kumita.  Kapag alam mo kung saan ka tutungo at magkano ang kinikita mo, madaling masabi kung kailan ka darating sa destinasyon mo.  Pero wag nating kalilimutan na tulad sa barko, maraming unos at bagyo.  Kaya dapat maging handa tayo sa mga bagay na ito.  Sa barko, meron tayong mga lighthouses at buoys na gumagabay sa atin para huwag tayong mabahura o mapahamak, ganun din sa ating buhay.  Pwede kang dumalo sa mga seminars na makakatulong sayo kung paano nga ba ang tamang paghawak, pagpapalago, at pag-iingat na dapat gawin sa perang ating pinaghirapan.  Maari ka ring magbasa ng mga librong maaring makatulong sa paglago mo hindi lamang professionally pero ganun din personally.

Tandaan natin, hindi sagot sa problema natin sa pera ang pagkakaroon ng mas maraming pera.  Kapag binigyan mo ng maraming pera ang isang taong namomroblema sa paghawak ng pera, para mo syang binuhusan pa ng sandamakmak na problema.  Ang pera ay hindi dapat maging goal, dahil ang pera ay resulta ng isang bagay na ginawa nating tama.

E-mail me at [email protected] Visit my web site at www.cardinalbuoy.com. Follow me on Twitter @cervantes_rfp. Chris Cervantes is also the author of best-selling books: “Financial Planning for the Fast Changing World,” “The Seed Money” and “Life Begins.

 

Christopher Cervantes
CIS, CSR, RFP

Christopher Cervantes was a seafarer for 17 years with shipboard experience from various shipping companies such as: Magsaysay Maritime Corp., Teekay Philippines, Bridge Marine Corp. And OSM Maritime Service.  After retiring from the ship at age 39, he became a financial advocate and is a Registered Financial Planner (RFP), Certified Securities Representative (CSR), and Certified Investment Solicitor (CIS). He founded Cardinal Buoy Financials that guides OFWs, seafarers, businessmen, and ordinary people in achieving their various financial goals.

He is also the author of the books Financial Planning for the Fast Changing World; The Seed Money; and Life Begins. He also writes for The Manila Times, Business Mirror, and Money Sense on topics about personal finance.  He appears on shows such as: ANC on The Money, Oplan Asenso of Radyo Singko, Iba ‘Yong Pinoy of Radyo Singko.  And also, a radio host of Real Finance People at DZEC.