Finance Fridays with Capt. Christopher Cervantes
May financial goals ba kayo? Basahin ang mga payo ni Capt. Cervantes kung paano makamit ang mga pangarap mo, kabaro!

Share this post

Photo by Hector Periquin on Unsplash
Palapit na naman ang pagtatapos ng mga eskwela, at tiyak na maraming magisispagtapos ngayong taon na anak ng mga Marino. Dahil dito, maraming mga kabaro natin ang tinaon ang bakasyon sa buwan ng pagtatapos ng kanilang mga anak.
Habang ang iba ay excited sa pag-uwi, ilan sa ating mga kabaro naman ang magkahalong saya at pangamba ang nadarama, dahil ito sa walang katiyakan kung hanggang kailan nga ba aabutin ang pera nilang maiuuwi. Katulad ka rin ba nilang tuwing uuwi na lamang ang problema ay kung hanggang kalian aabot ang budget habang walang kita kung nakabakasyon?
Kung gusto mong matapos na ang ganitong palagiang pangamba, isang bagay ang maaari mong gawing kakaiba mula ngayon. Ito ay ang pagkakaroon ng emergency fund. Sa libro kong Financial Planning for the Fast Changing World, tinawag ko ito bilang “Back-up Fund,” ito ay upang iwasan ang negatibong kaisipan sa napaka halagang bagay na ito.
Ano nga ba ang emergency fund or back-up fund?
Ito ay isang uri ng pag-iipon para maging handa sa kung ano mang mga hindi inaasahan na pangyayari sa buhay na nangagailangan ng pera. Tulad ng kawalan ng trabaho, medical emergency, biglaang pagkasira ng bahay, pagkasira ng sasakyan, o hindi inaasahang biyahe.
Bakit importante ang Back-up Fund?
Maaring hindi madaling mag-ipon. Ang pagkakaroon ng tamang ipon ay malaking ginhawa kung magkaroon ng biglaang pangangailangang pang pinansyal. Ayon sa isang pag-aaral, 26% ng mga taong napasama sa ginawang survey ay may hindi nabayarang medical bills. Habang 14% sa kanila ay nagagalaw ang retirement savings tuwing nagigipit. At 13% sa kanila ay nadedelay sa pagbabayad ng hulog sa utang sa bahay at sasakyan. Ito ay patunay lamang na napakahalaga ng pagkakaroon ng sapat na ipon.
Magkano bang Back-up Fund ang dapat meron ako?
Alamin mo kung magkanong budget ba ang kailangan ng pamilya mo mula sa iyo kada buwan. Alamin mo rin kung ilang buwan ka madalas nagbabaksyon. Matapos nyan ay i-multiply mo kung magkano ang budget na kailangan mong ibigay at buwan na kadalasang nagbabakasyon ka, ito dapat ang maging minimum na Back-up Fund para sa iyo.
Halimbawa, madalas nagbabakasyon ka ng tatlong buwan at ang kailangan ng pamilya mong budget ay P30,000 kada buwan. Kung i-multiply mo ito, ibig sabihin ay kailangan mo ng P90,000 na emergency fund. Itatabi mo ito sa nakahiwalay na savings account, at hindi mo ito gagalawin hanggat hindi kinakailangan. Gagamitin ko ba itong budget habang nakabakasyon? Ideally, hindi. Dapat may nakalaan kang budget sa bakasyon bago ka pa bumaba. Ang back-up fund mo ang magsisilbing extra budget mo kung sakaling ma-extend pa ang bakasyon mo o nagkaroon ng mga hindi inaasahan.
At kung gusto mong maging mas matiwasay ang buhay mo habang nakabakasyon ka, maaari mo pang palawakin ang iyong back-up fund. Na imbis na base lang sa kung ilang buwan na bakasyon, maaari mo itong palawigin hanggang isang taon. Alam naman natin na tayong mga marino ay contractual lamang. Na kada sakay natin ay panibagong kontrata, na ibig sabihin wala talaga tayong security of tenure. Maaaring okay ka ngayon sa company nyo, pero pagbalik mo, hindi mo alam kung bibigyan ka pa ng line-up. O kung bigyan ka man ng line-up hindi natin tiyak kung papasa pa ba tayo sa medical.
Ang pagkakaroon ng back-up fund ay magbibigay ng kapanatagang pang pinansyal. Na ano mang sorpresa sa buhay ay handa tayo, na hindi magiging karagdagan sa problema ang pera. Isa pang benepisyo ng pagkakaroon ng back-up fund ay hindi natin nagagamit sa walang kabuluhang paggastos ang lahat ng pera dahil nakahiwalay ang pera para dito. Higit sa lahat, kung mayroon tayong back-up fund, maiiwasan natin ang mga mapangahas at maling desisyon tulad ng pangungutang sa mga loan sharks o pag-gamit ng credit card sa maling paraan.
Ang pagkakaroon ng back-up fund ay hindi lamang pagiging praktikal kundi isang pagpapahiwatig ng pagiging responsable. Higit sa pagkakaroon ng pera sa oras ng pangangailangan, ito ay magbibigay din ng kapayapaan sa isipan at kapanatagan kung may matindi mang alon na dumating sa buhay.


Christopher Cervantes
Christopher G. Cervantes, is a registered financial planner, a certified investment solicitor, and Certified Securities Representative. He is also the author of the book Financial Planning for the Fast Changing World and The Seed Money. Aside from being a financial planner he was also an active seafarer for 17 years with a position of Chief Officer on board oil and chemical tankers. It is his mission to help his fellow seafarers and OFWs to attain financial freedom through sound financial education. For any questions email him at: topher_cervantes@yahoo.com. You can also find him on www.facebook.com/FinancialPlanningfortheFastChangingWorld and www.cardinalbuoy.com