Finance Fridays with Capt. Christopher Cervantes
May financial goals ba kayo? Basahin ang mga payo ni Capt. Cervantes kung paano makamit ang mga pangarap mo, kabaro!

Share this post

Photo by William Iven on Unsplash
Tapos na ang panahon na kung saan ang pagbabarko ay tungkol sa kung ilang bansa na ang narating mo at ano ang naging experience mo sa Brazil o ano mang lugar sa Latin America. Isang bagay na nakakatuwa sa henerasyon ng mga seafarers ngayon ay mayroon na silang mas malinaw na plano bago pa man magbarko. Pero sa magpahanggang ngayon ay tuliro pa rin kung ano nga ba ang nangyari sa mga paghihirap nila sa pagbabarko. Maaring makatulong sa’yo ito.
Ilang taon ka na bang nagbabarko? Subukan mong kwentahin ang iyong buwanang sahod at i-multiply mo ito sa kung ilang buwan kang sumasakay kada taon, at matapos nyan ay i-multiply mo ito sa kung ilang taon ka nang nagbabarko. Sa tuwing pinapagawa ko ito sa mga nagpapa-coach sa akin, nagugulat sila na milyun-milyon na pala ang kanilang kinita. Ngunit kung titignan nila ang laman ng kanilang bank account ay halos wala ito sa kalingkingan ng kanilang kinita. Anong nangyari? Napagnakawan ka ba? Sigurado ako, na ang isang malaking kadahilanan dito ay ang kawalan ng plano sa pagbabarko.
Kung gusto mong maging makabuluhan ang iyong paghihirap sa barko, ang una mong dapat dala-dala bago ka sumampa ng barko ay ang solid na plano sa kung ano nga ba ang gusto mong marating sa pagsampa mo. Ito ba ay may kinalaman sa pagtataguyod ng pag-aaral ng iyong anak, pagpapasimula ng negosyo, o simpleng pera sa pagreretire?
At kung gusto mong maging wasto ang iyong kinikita para buhayin ang pamilya at tugunan ang iyong mga pangarap, ang pagkakaroon ng epektibong budget ay isang susi.
Una, alamin mo kung magkano nga ba ang kailangan mo para maitaguyod ang iyong mga pangarap. Hanggat maaari, maglaan ka ng minimum of 20% ng iyong kita para sa paghahanda ng pag-aaral ng iyong anak. Ito ay depende pa sa kung anong course at school ang gusto mo para sa kanila. Mainam din na maglaan ng at least 10% para naman sa iyong retirement fund, na katulad ng pera para sa pag-aaral ng anak, dapat ito ay automatically napupunta sa investment. Maaari ka ring maglaan ng 10% na ipon para sa iyong mga gustong bilhin na nangangailangan ng malaking halaga, tulad ng kotse o bahay.
Wag mo rin kakalimutan ang iyong sarili. Hindi porke nasa barko ka, hindi ka na pwedeng mag enjoy. Maaari kang maglaan ng kahit 5% ng iyong kita para ibigay naman sa sarili mo. Kasama dito ang iyong budget para sa shore leave o simpleng shopping para sa iyong pangangailangan. Para naman sa ikasasaya ng buong pamilya, maaari kang maglaan ng 10% na ipon upang pag-uwi mo ay may pang enjoy ang iyong pamilya na kasama ka. Kabilang dito ang inyong travel or vacation. At kung maging malaki man ang 10% para dito, hindi mo ito kailangan ubusin ng biglaan. Maaari mo itong ilagay sa isang Money Market Fund na magsisilbing travel fund ninyo maging sa mga susunod na panahon.
At matapos ilaan ang lahat ng budget na iyon, ang natitirang 35% ay syang maaari mong ilaan para sa pang araw-araw na pangangailangan ng iyong pamilya.
Depende sa kung anong position mo sa barko, maaaring maliit o malaki ang budget na ito. Hindi naman importante kung magkano talaga ang budget, ang importante ay nagbubudget ka. Kasi kung wala kang pinaglalaanan malamang pagdating ng panahon na kakaharapin mo na ang obligasyong iyan, gagawan at gagawan mo ito ng paraan. Kung gayon, kung talagang kailangan mong ibigay yan sa darating na panahon, bakit hindi mo ito paghadaan ngayon pa lamang?
At dahil ang budgeting ay paraan ng pagpaplano ng paggastos ng iyong kinita, tinutulungan ka nitong magkaroon ng pangtustos sa mga bagay na totoong importante sa buhay mo. Ang pagsunod sa budget plan ay isang mabisang pamamaraan upang makaiwas sa pangungutang pagdating ng panahon. At kung may problema ka sa pangungutang, maaaring ang budgeting din ang syang mag-ahon sa iyo sa problemang ito.
Hindi naman masamang mag shore leave, at lalong hindi masamang magsaya habang onboard ka. Ang masama ay nagsasaya ka at nagwawaldas ka ng alam mo naman may kakaharapin kang financial obligation na wala ka pang malinaw na sagot kung paano mo ito susulusyonan.
Tamang magkaroon tayo ng work-life balance, pero ang pagkakaroon ng pondo sa ganitong uri ng pamumuhay ay syang kritikal na usapin.
Simulan ang makabuluhang pagsisikap sa pagbabarko na nangyayari ang pangarap at kasabay nito ay nagsasaya rin tayo. At ang malaking kasagutan ay ang pagkakaroon ng epektibong budget system.


Christopher Cervantes
Christopher G. Cervantes, is a registered financial planner, a certified investment solicitor, and Certified Securities Representative. He is also the author of the book Financial Planning for the Fast Changing World and The Seed Money. Aside from being a financial planner he was also an active seafarer for 17 years with a position of Chief Officer on board oil and chemical tankers. It is his mission to help his fellow seafarers and OFWs to attain financial freedom through sound financial education. For any questions email him at: topher_cervantes@yahoo.com. You can also find him on www.facebook.com/FinancialPlanningfortheFastChangingWorld and www.cardinalbuoy.com